Si Pareng Heber
Tayo'y Mga Pinoy..
..kaya't hayaan n'yong sa Pilipino ko isulat ang artikulong ito bilang pagpupugay sa isang Pilipinong mang-aawit.
Una kong nakilala si Heber Bartolome mga taong 1977 sa studio ni Nonoy Marcelo
habang taimtim ang huli sa pagguhit ng kanyang mahal na bubwit na si Ikabod.
Mangha ako sa pagkamaginoo ni Heber, cool siya at tuon agad ang kanyang pananalita. Mapagkumbaba sa kabila ng kanilang kasikatan ng kanyang grupong Banyuhay.
Simula na rin iyon ng aking pagre-relax mula sa marubdob na mga gawain bilang isang makabayang mangguguhit kapiling ang mga kaibigang may mga progresibong kaisipan.
Maaliwalas ang isipan ko sa mga sandaling nakababad ako sa piling ng mga visual artists at mga musikero. Nawili na ako sa mga gigs ng Banyuhay sa mga folkhouses tulad ng Butterfly, Bodega, Hobbit House, Kola House at My Father’s Moustache. Nakadaupang palad ko ang kanyang mga kapatid na sina Levi at Jessie. Naruruon din ang grupong Asin, si Freddie Aguilar at Sinsing, atbp.
Timog Avenue, ah naaalala ko pa, doon lang ang KBS (Ch.4 noon) tv station na pinagdarausan ng tv program ng KB, aka Kaluskos Musmos ni Imee Marcos na kung saan ako ay katulong gumawa ng animation drawings ni Nonoy. Isa sa mga tinig ng cartoon movie ay si Bert “Tawa” Marcelo.
Kwela talaga. Matindi kami sa puyatan noon, halos di na rin ako umuuwi ng bahay namin sa Pasay. Maraming gimik at minsan naisama akong mag-darts ni Pareng Heber sa El Americano sa kanto ng Timog Ave. na kung saan ko naman unang nakilala at nakalaban rin sa killer’s dart game ang artistang si Bembol Roco na naging kumpare ko rin. Di kalayuan ay ang Bustamante Press na kung saan may studio rin kami; sa loob ng gusali ay may opisina rin si Rolando Tinio.
Tila si Yen Macabenta ang landlord bossing ng lugar.
May malaking apartment house na inarkila si Nonoy noon sa Scout Morato St. sa Quezon City na kung saan may sarili akong silid/studio. Dito ko ginagawa ang mga animation drawings at mga cartoon strips ko para sa Philippine Bulletin Today at Philippine Daily Express. Madalas akong dalawin ni Pareng Heber dito at sa may isa pang studio sa Ermita na kung saan ginagawa naman namin ni Nonoy ang Bukol Magazine (parang Mad Magazine) at marami pang proyekto. Kung di niya ako isinasama sa mga studio ng mga kaibigan niyang pintor ay laman naman kami ng folkhouses. Maraming fans si Pareng Heber. Sa kanyang mga awitin ay nagsimula na rin ang soul-searching o pagmumuni-muni ng kabataang Pilipino.
Nang binyagan ang aking unang anak na si Michelle ay naging Kumpareng Heber ko na siya. Naging inaanak ko naman si Antares na bunga ng relasyon niya dati kay Maita Gomez. Katuwang naman nya si Bembol sa binyag ni Michelle ko.
Madalas ang aming lihaman noon kahit wala pang internet. Nagtuturo siya sa La Salle at busy sa paggawa ng kanyang album na Kalamansi sa Sugat. Mga 17 taon na mula nang siya’y dumalaw rito sa Sydney. Pagkatapos ng binyag ng anak kong si Michael sa tanghalian ay ginawa kong concert venue ang community hall hanggang gabi para kay Pareng Heber. Maraming dumalong tao at nasiyahan sila sa kanyang solo performance.
Madalas ang ugnayan namin ni Pareng Heber sa Banggaan Art Group sa internet. Malusog pa rin ang pag-iisip at katawan niya sa kabila ng mga normal na suliranin sa pang-araw araw na pamumuhay sa ating bansang tila nanlalata na sa kawalan ng pag-asa. Subali't wala kay Pareng Heber ito. Sugod lang siya sa buhay at sa kanyang mga awitin ay masasalamin ang kanyang patuloy na adhikain sa tunay na paglaya ng ating kinakawawang bansa. Abala siya sa pagsulat sa pahayagan at pagsasagawa ng mga workshops sa paglikha ng mga awiting Pinoy at pagpupuyatan sa kanilang konsiyerto sa iba’t ibang lunsod at kapuluan sa Pilipinas.
Narito ang aming huling pag-uusap:
EA: Kumusta na Pareng Heber, at ang Banyuhay? Ano ba ang plano nyo sa nalalapit na panahon?
HB: Mabuti naman Pareng Edd. Binubuhay namin ng Banyuhay ngayon ang aming mga awitin, konting panggastos na lang at buo na ang bagong album. Regular kami sa Conspiracy, at least 2x monthly. Nasa YouTube yung ibang video ni Levi, Jesse, at yung workshop ko.
EA: Ano sa palagay mo ang kahihinatnan ng awiting pinoy?
HB: Mas maunlad na ngayon ang musikang Pinoy kumpara noong araw. Ibang usapin naman kung pupunahin ang klase ng mensahe nila. Kayat kailangan ng direksyon. Kaya nga ako nagwo-workshop ng mga kabataan ngayon.
EA: Bilang ama, ano'ng mensahe mo sa mga tao? Father’s Day ngayong buwan kasi ng Setyembre.
HB: Inggit ako sa ibang ama na kasama sa buhay ang kanilang mga anak. Anupaman, ipinauubaya ko na sa Maykapal ang pagpapala sa dalawa kong anak, kina Antares at Kris na iyong inaanak. Tutal, Sya ang tunay na Ama nating lahat.
EA: Mula nang awitin nyo ang Tayo'y mga Pinoy, napansin mo ba ang ilang pagbabago sa lipunang Pilipino?
HB: Oo, dumami ang nagpatangos ng ilong. Hehehe. Anak ng pango. Pwe. Hayaan mo sila. Kaligayahan nila yun. Bagama't dumami ang gumagamit ng sariling wika, hindi na mahalaga sa isip ng maraming Pilipino ngayon ang lumaya sa kolonyal na kaisipan. Di na rin mahalaga sa mga kabataan ang makatapos ng pag-aaral. Basta makahanap agad ng trabaho o magkaroon ng oportunidad na makapag-abroad upang makatakas dito sa Pilipinas. Ang naging kultura kasi ngayon, gawa ng nakikita nila sa TV na ang umaasenso ay mga artista, na kahit lantarang nangangalunya ay sikat pa rin, nakakapag-endorse ng produkto, at pati mga komedyante ay mga may itsura na rin, naging mahalaga ang maganda kaya nauso ang face lifting, ang maging makinis, kaya nauso ang papaya.
Hindi na mahalaga ang karangalan dito sa atin ngayon. Hindi naman kasi napaparusahan ang mga gumagawa ng masama. Ang mga kurap sa gobyero ay nakakalusot. Ang gaganda ng kotse ng mga taga-Custom, BIR, LTO,..etc. Kagalang-galang ka pag mayaman. Nalalagyan ang hustisya. Yung mga may prinsipyo ay tinatakot, dinudukot, binabaril.
EA: Ano'ng higit na matimbang sa iyo? Awiting pangmulat panlipunan o mga awiting emosyonal tulad ng pag-ibig? Bakit?
HB: Lahat ng awit ay mahalaga. Maski na yung mga kantang pangit ay nagiging maganda sa iba. Kahit sinong ulol kapag ipinayola, ay sisikat.
Ngunit para sa akin, syempre, kaya ko nga isinusulat ang tulad ng mga kanta ko, e dahil matimbang sa akin. Ipinauubaya ko na sa ibang komposer ang mga awit ng pag-ibig. Tatlong bagay mandin, limitado ang pananaw nila sa salitang pag-ibig, o duwag silang pumaksa bukod sa pag-ibig, o kulang ang kanilang pagka-malikhain na pwedeng pagsamahin ang dalawa.
Koreksyon sa tanong mo: Ang mga awit panlipunan ay pwede ring emosyunal.At ang paksang pag-ibig ay pwede ring panlipunan.
EA: Tama ka. Naisip ko rin yun; hirap lang kasing paghiwalayin ng dalawang konsepto sa isang tanong, bagama’t may kaugnayan sa isa't isa. Kasi nga naniniwala akong dalawa lamang ang tunay at wagas na emosyon..ang pag-ibig at ngalit (anger). Di pwedeng pekein ang mga damdaming ito basta’t lumukob sa iyo. Anyway, sa palagay mo maiaahon ba ng kalinangang pinoy ang ating kalakalan?
HB: Subok na ito ng bansang Tsina, Japan, atbp. Di pa ba malinaw na kahit na ang galing mag-ingles ng mga Pinoy e kulelat tayo sa kaunlaran?
EA: Ano'ng mensahe mo sa kabataan?
HB: Lahat ng awit ko ay mensahe sa kabataan. Kasama na ang mga kabataan noon na mga lolo na ngayon.
EA: Ano'ng maluningning mong mga sandali sa Australia?
HB: Pareng Edd, di ko matandaan kung Luningning yung pangalan ng kasama namin ni Gary Granada sa Melbourne, pero, dyan sa Sydney, yung workshop na ginawa ko para sa mga Pinoy songwriters ay napakahalaga. Ngunit ang pinaka-maluningning e yung BIGLAAN PRODUCTION mo ng aking konsyerto:-) Di kita malilimutan.
EA: LOL, Luningning? Di ba dancer ng Wowowee yun? Kailan ka nga pala uli babalik sa Oz?
HB: Nais kitang sorpresahin, datapwa't wala pang pagkakataon. Malapit na.
EA: Nakatutulong ba ang iyong pagpipinta sa paglikha ng mga awitin?
HB: Hindi. Nakakaabala. Pero naisisingit ko ang maraming mga gawain sa iba pang mga gawain. Katabi ko ang gitara habang nagpipinta. Nakabukas online palagi ang computer. habang pinapakinggan ko ang trilogy album ni Gary Granada upang re-view-hin at isulat sa aking kolum sa BALITA (Pilipinas), e nakikipaglaro ako ng chess sa isang mokong na Pinoy na nasa New Jersey.
Mabuhay ka Pareng Edd. MABUHAY ANG MGA PINOY SA BUONG DAIGDIG!
EA: Salamat Pareng Heber. Isang malusog at sariwang panunumbalik ng mga awiting Banyuhay! Hintayin kita sa iyong pagbalik sa Oz. Malaki na inaanak mong si Michelle..dalawa na apo ko!
-----
Panoorin at dinggin n’yo yung awit na Nena ni Pareng Heber sa panayam sa kanya noon ni Cito Beltran ng ANC/TFC.
Ilan pang info ukol kay Pareng Heber mula sa Cultural Heritage/Pinoy Musicians website: “Singer, composer, painter, poet Heber Bartolome was born in Cabanatuan City on November 9 1948. His father, pastor Deogracias Bartolome, was a violin and guitar maker, and rondalla band leader. His mother, Angelina Gonzalez, sang in the zarzuela. As a child, Bartolome learned basic guitar and banduria techniques and absorb the stylistic tradition of local folk and religious music. He joined the ROTC Band and the UP Concert Chorus. Heber graduated with a degree in Fine Arts from the University of the Philippines in 1973. From 1981 to 1984 he taught Filipino Literature at De La Salle University. He has performed throughout the Philippines and held concerts in Europe and Australia. As a painter, he has held several exhibits. He has also been active in lobbying for the rights of the Filipino composers. The Beatles and Bob Dylan influenced Heber’s songs. He played their tunes in folk houses in the late 1960’s and formed his band “Banyuhay” in the early 1970s. Most of the songs carried the group’s signature sound of the “Kubing.” His compositions are a unique synthesis of rock and blues, and Philippine ethnic rhythms. His song “Nena” made it to the hit chart in 1977. However, it was not until “Tayo’y Mga Pinoy” made it to the top that Heber reached the pinnacle of his singing career. The song became a finalist in the First Metro Manila Popular Music Festival in 1978. His other famous songs are “Pasahero,” 1977; “Almusal,” “Inutil na Gising” and “Karaniwang Tao,” 1985. Bartolome also wrote the music of Bulwagang Gantimpala’s “Ibong Adarna,” 1989, a musical drama with libretto by Rene O. Villanueva. In 1993, he launched a compilation of his greatest songs entitled “Mga Awit ni Heber.”
Daan kayo sa tahanan ni Pareng Heber: http://www.geocities.com/heberbartolome/
inilathala rin ang artikulong ito sa Bayanihan News, Setyembre 2007 Sydney, Australia (lahat ng karapatang intelektuwal ay nakatalagang pag-aari ng may-akda)
Labels: banyuhay, heber bartolome, nena, tayo'y mga pinoy
8 Comments:
sayang na-miss ko ang concert ni heber (paki-tagalog naman ng "na-miss") makabuluhan ang interview at ang galing ng blog sa pag-immortalise ng mga gintong panahon.
salamat edd,nakilala namin ng kaunti si ka heber.
sana ay muli niyang madalaw ang mga pinoy dito.
dear sir edd! kumusta po from singapore! natisod ko lang itong blog mo dahil nami-miss ko lang si Jep. itinakbo yong autographed kopya ko na ibinigay mo sa 'kin noon,hehehe!
anyway, forHeber and Eber si Heber! Heberlasting!
mwahahaha!
dengcoy (mcbayan@yahoo.com.sg)
Ka Edd,
Kumusta na. Nagmamalaking ifinorward ni Heber sa akin ang link dito sa blog mo, kaya eto, nakikisali na rin sa pagkokomento. Mabuhay ka!
Dengcoy, kumusta na rin!
Ka Pete
kapete@zpdee.net
Ka Edd,
Ang galing ng pagkakaguhit mo kay at pagkaka-interbyu mo kay Heber. Siyempre. Ikaw pa!
Boboy (hugo3@yonzon.com) (hugzone.multiply.com)
Ka Edd,
Kay galing ng pagkakaguhit mo at pagkaka-interbiyu mo kay Tito Heber!
Kamusta rin dengcoy at pete!
Boboy
ano ang maging resulta pag ang ay hindi natutulog?
magandang idea siguro kung mag kokoncert kayong mga tropa 60's -70's, opm, may ganitong tagline: "history repeats itself" (pero tagalugin natin. si gloria may poster, "dama ang kaunlaran" hindi naman totoo, kung sunugin ko ang mga yun huhulihin ako. walang tutulong na Pinoy, sayang lang. pero kelangan may mag sacripisyo. baka gawin ko pa rin. bahala na kayo sa consequence. June 20, 2008. Manila.
Post a Comment
Subscribe to Post Comments [Atom]
<< Home